Inobliga ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board official Jeff Tumbado na dumalo sa isasagawang imbestigasyon sa kanyang alegasyon na korapsyon sa kabila na binawi niya ang kanyang pahayag.
Ayon sa Department of Justice (DOJ) naisilbi na kay Tumbado ang subpoena at inaasahan na magpi-prisinta ito ng ebidensiya sa Lunes,Oktubre 16.
”He is required to be present. As stated in the subpoena, failure to appear may be penalized under law,” ayon sa DOJ.
Si Tumbado, na dating executive assistant ng suspendidong LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, ay unang nagpahayag na nag- deliver si Guadiz ng perang galing sa korapsyon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Sinabi rin ni Tumbado na dalawang solon ang kumolekta ng P5 milyon mula sa transaksiyon ng pagbubukas ng bagong ruta o prangkisa.
Gayunman, binawi lahat ng Tumbado ang kanyang alegasyon at ito ay nagawa lamang umano niya dahil sa “borne out of impulse, irrational thinking, misjudgment and poor decision-making.”
Sinabi rin ni Tumbado na isang anyo ng public apology ang kanyang sinumpaang salaysay para kina Guadiz, Bautista, Department of Transportation at sa Office of the President (OP).