Agad na nasawi ang isang pedestrian matapos na mabundol ng rumaragasang motorcycle rider kamakalawa ng madaling araw sa northbound H. Lopez Blvd, corner Rodriguez Street sa Tondo, Maynila.
Inilarawan ng Manila District Traffic Enforcement Unit -Vehicle Traffic Investigation Section (MDTEU -VTIS) ang biktima na nasa edad 30-40,may taasna 5’0, nakasuot ng kulay green na sando at itim na short pants, Namatay ito noon din dahil sa lakas ng impact ng pagkakabundol sa kanya, habang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang rider na si John Paul Paed, nasa hustong edad at 502 B. Cruz st, Tangos, Navotas City.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-3 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Nakita sa CCTV ng Barangay 134 na binabaybay ng motorsiklo ang northbound ng H.Lopez Boulevard, Tondo, Maynila nang pagsapit sa panulukan ng Rodriguez Street ay nabundol ng harapan ng motorsiklo ang tumatawid na biktima, na naging dahilan para kapwa ito bumagsak sa sementadong kalsada.
Agad namang rumesponde ang ambulansiya ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at nang pulsuhan ang biktima ay nalamang patay na ito habang isinugod sa pagamutan ang rider.














