Tumaas ng 24% ang daily average ng COVID-19 sa bansa

Umakyat na sa 3,443 ang bagong kaso ng COVID 19 o 24% ngayon linggo.

Base sa National COVID-19 Case Bulletin ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng hapon, nabatid na mula Hulyo 25 hanggang 31, ay nakapagtala sila ng kabuuang 24,100 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.


Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 3,443, na mas mataas ng 24% kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Hulyo 18 hanggang 24.

Sa mga bagong kaso, 76 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Habang may naitalang 44 na pumanaw pero ang mga ito ay hindi naganap noong Hulyo 18 hanggang 31.


“Of the 44 deaths, 1 occurred in June 2022, 3 in January 2022, 2 in November 2021, 7 in October 2021, 20 in September 2021, and 11 in August 2021,” ayon sa DOH.

Kaugnay nito , noong Hulyo 31, 2022 ay may 744 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.


Sa 2,583 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 601 (23.3%) ang okupado habang nasa 29.5% ng 22,051 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Samantala, base sa datos ng DOH , mahigit na sa 71 milyong indibidwal o 91.81% ng target na populasyon ng pamahalaan ang bakunado na laban sa COVID-19.


Sa naturang bilang, 16.2 milyong indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Nasa 6.7 milyong senior citizens o 77.87% naman ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series. (Philip Reyes)



Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like