TULOY ANG KASO VS. GUO — COMELEC

By: Philip Reyes

Tuloy ang paghahain ng motu proprio complaint laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa kasong material misrepresentation.

Ito ang tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia nitong Linggo, na nagsabing ito ay sa kabila ng inilabas na desisyon ng Office of the Ombudsman na tuluyan nang i-dismiss si Guo sa kanyang posisyon bilang alkalde ng Bamban.


Ayon kay Garcia, walang anumang epekto sa kanilang kaso laban kay Guo ang desisyon ng Ombudsman.

“Tuloy na tuloy po sapagkat wala pong epekto sa amin ang desisyon ng ating Office of the Ombudsman,” ayon kay Garcia, sa panayam sa radyo.

“Ang Office of the Ombudsman sabi niya perpetually disqualified, tama po ‘yun. Pero sa amin, lahat ng kandidatong na magsisinungaling sa certificate of candidacy o tinatawag natin na misrepresentation, ay kinakailangang humarap sa kasong kriminal,” dagdag pa nito.


Sa ngayon ay inaantabayanan pa umano ng Comelec ang tugon ng kampo ni Guo na una na nilang pinadalhan ng subpoena kaugnay sa kasong kinakaharap nito.

“Hinihintay na namin ang kanyang magiging sagot sampung araw matapos namin mai-serve ang tinatawag natin na subpoena. Again, hindi ito hihinto dahil lang sa desisyon ng ibang korte o ibang opisina,” ani Garcia.


Una nang napatunayan ng Comelec at ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang fingerprints ni Guo at ng Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisa, habang kamakailan naman ay inaprubahan ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng Law Department nito na maghain ng motu proprio complaint laban kay Guo dahil sa material misrepresentation.

Ayon sa Comelec, bibigyan nila ng pagkakataon si Guo na ipaliwanag ang kanyang panig.


Nitong nakaraang linggo ay ipinag-utos na ng Office of the Ombudsman ang pag-dismiss kay Guo sa serbisyo dahil sa kasong grave misconduct.

Tags: Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia

You May Also Like