By: Tony Gildo
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nagbibigay na ng tulong ang gobyerno sa mga overseas Filipino workers na naapektuhan ng mga insidente ng pag-atake sa Black Sea, kabilang ang repatriation ng mga nakaligtas at sa mga labi ng dalawang Filipino seafarers na napatay sa atake noong Agosto 31 sa crude oil tanker na MV SIDR.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac na nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang ahensiya kung ang may-ari ng barko at licensed manning agency ay sumunod sa mga regulasyon na namamahala sa deployment ng mga Filipino seafarers sa mga high-risk areas.
Ang DMW ay nag-facilitate din ng repatriation sa mga labi ng dalawang nasawing Filipino crew members habang tinatapos ang mga kinakailangang dokumento.
Muling binigyang-diin ng DMW ang direktiba nito na nagbabawal sa deployment ng mga Filipino seafarers sa mga barkong naglalayag sa Northern Black Sea, na maituturing na international armed conflict.
Ang departamento ay nakikipag-ugnayan din sa Department of Foreign Affairs at sa Department of National Defense upang suriin ang sitwasyon sa seguridad sa Strait of Hormuz at patuloy na magbigay ng tulong sa mga naapektuhang Filipino seafarers.














