Latest News

Peoples Tonight Online

TULONG NG MALAKANYANG SA MAYNILA SA SUSUNOD NA TATLONG TAON, TIYAK HABANG NARIYAN SI MAYOR HONEY

By: Bernie Ang

Walang patid ang suportang ibinibigay nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at House Speaker Martin Romualdez sa administrasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna.

Dahil diyan ay wala ring patid ang pasasalamat naming lahat na nasa pamunuan ni Mayor Honey, dahil sa naiibsan nina PBBM at Speaker Romualdez ang hirap na pinagdaraanan ng lokal na pamahalaan ng Maynila bunga ng utang na iniwan ni Isko Moreno na P17.8 bilyon lang naman.

Napakalaking benepisyo para sa mga taga-Maynila ang bukas na linya ng komunikasyon ng pamahalang-lungsod sa national government.


Sa pamamagitan ng walang-sawang tulong nina PBBM at Speaker Romualdez ay nagawang patunayan ni Mayor Honey sa lahat na hindi kinakailangang mangutang ng isang local government unit para lamang may maipatupad na mga proyekto. Ang tanging kailagan ay magsinop sa koleksyon at magkaroon ng magandang relasyon sa mga Congressman at mga kinatawan ng gobyerno sa national level.

Dahil nga sa kakulangan ng pondo ng lungsod dahil sa patuloy na pagbabayad sa utang na iniwan ni Isko, walang humpay ang koordinasyon at pamamalimos na ginagawa ni Mayor Honey sa Malakanyang at sa mga mga Congressman na kaalyado niya -lima sa anim na nakaupong Congressman ang kasama niyang tumatakbo sa ilalim ng partidong Asenso Manileño.


Para sa kaalaman ng lahat, P100 milyon ang buwan-buwang binabayaran ng administrasyong Lacuna sa dalawang bangko na nagpautang kay Isko at sa kasalukuyan, sa ilalim lamang ng wala pang tatlong taon ay nasa mahigit P3 bilyon na ang nababayaran ni Mayor Honey. Nai-imagine nyo ba ang laki sana ng pakinabang ng P100 milyon kada buwan kung ginastos na lang sana ito sa mga proyekto o ayuda ng mga sektor na pinaka-nangangailangan ng tulong gaya ng senior citizens, PWDs, solo parents at mga mag-aaral sa dalawang unibersidad na pinatatakbo ng pamahalaang-lungsod?

Kaya naman nakakabilib na sa kabila niyan ay nagagawan pa rin ng paraan ni Mayor Honey na magpatupad ng mga pangunahing programa para sa kapakinabangan ng mga taga-Maynila.


Malaking bagay din na namuhunan si Mayora ng magandang pakikitungo sa kanyang mga kaalyadong Congressman na itinuring niya bilang pamilya, dahil nariyan sila ngayon at naka-alalay ng suporta. Sa pamamagitan nila at nagkakaroon pa rin ng katuparan ang mga pangarap ni Mayor Honey para sa mga Manilenyo.

Ang mga Congressman ang nagsibilbing daan, kung saan para sa mga proyekto sa Maynila ay nagkakaroon ng partnership ang local government at tanggapan ng mga Kinatawan, na siya namang lalapit sa Malakanyang para magpa-apruba ng pondo para sa mga nasabing proyekto.

Kaya naman napakapalad ng mga taga-Maynila. Habang si Mayor Honey ang nakaupong alkalde sa lungsod sa Maynila ay nakasisiguro na ang mga Manilenyo ng awtomatikong suporta mula sa kanilang mga Congressman at siyempre pa, mula sa Malakanyang mismo.

Malaking bagay na ang Malakanyang ay may paniniwala at pagtitiwala sa pamunuan ng pamahalaang-lungsod ng Maynila, na bukod sa pagiging ‘capital city’ ng Pilipinas ay tahanan pa mismo ng Malakanyang o kung saan naroon ang tinatawag na ‘seat of power’ o tahanan ng pinakamataas na kapangyarihan sa bansa.

Ang termino ni Pangulong Marcos ay hanggang 2028 pa kaya ibig sabihin lang nito na sa susunod na tatlong taon ay nakatitiyak na ang mga taga-Maynila ng walang patid na tulong mula sa Malakanyang dahil kitang-kita naman na hindi talaga pinababayaan ni PBBM ang Maynila at tuloy-tuloy niya itong susuportahan.

Kung matatandaan, si PBBM ang kandidato sa pagka-Pangulo noong 2022 na nakakuha ng pinakamalaking boto sa Maynila. Mismong si Isko na nakaupong alkalde nang mga panahong iyon ay tinalo ni PBBM. Kaya siguro ganun na lang din ang pagtanaw ni PBBM sa mga Manilenyo.

Pero siyempre, higit pa riyan, ay tiwala siya sa pamunuan ni Mayor Honey na anumang tulong ang ibagsak sa administrasyon nito ay siguradong makakarating sa mga kinauukulan nang kumpleto at mabilis dahil ito ang uri ng alkalde na talaga namang TAPAT AT TOTOO sa isip, salita at gawa.

Higit sa lahat, walang ibang agenda si Mayor Honey sa muling pagtakbo nito dahil kahit kailan ay hindi ito nag-ambisyon sa anumang posisyon sa national. Sa kanya, nakasisiguro ang mga Manilenyo na hindi sila iiwan at gagamitin lang para sa personal na ambisyon.

Tags: bernie ang, vantage point

You May Also Like

Most Read