Kami sa Asenso Manileño ay talaga namang lubos na nagpapasalamat sa Commission on Elections (COMELEC) sa pagbibigay ng accreditation sa aming partido bilang dominant majority party o pangunahing partido sa lungsod, para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Kagaya ng aming party President na si Manila Mayor Honey Lacuna, ang deklarasyon ng Comelec sa aming partido bilang dominant majority party ay isang bagay na di lamang namin ikinalulugod kungdi amin ding ipinagmamalaki, lalupa’t kami ay napabilang sa 14 lamang na partido na binigyan ng nasabing pagkilala.
Pruweba at bunga lamang ito ng sama-samang pagkilos at pagkakaisa para makapagbigay ng tapat at totoong serbisyo-publiko para sa mga residente ng Maynila na aming pinaglilingkuran at paninindigan para sa prinsipyo at benepisyo ng mga Manilenyo, hindi para pagsilbihan ang aming personal na interes at ambisyon lamang.
Nakakatuwa na ang pagkilalang ibinigay sa Asenso Manileño bilang pangunahing partido sa lungsod ng Maynila ay kasunod ng parehong pagkilalang ibinigay naman ng Comelec sa Lakas–Christian Muslim Democrats (CMD) na pinamumunuan ng Pangulo nitong si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kung saan ito naman ay idineklara bilang dominant majority party sa national level, para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Matatandaan na noong Agosto 2024 ay pinanumpa mismo ni Romualdez si Lacuna bilang bagong miyembro ng partido, kung saan naroon para sumuporta ang lima sa anim na congressmen ng Maynila na sina Rep. Joel R. Chua, Rep. Bienvenido Abante, Jr, Rep. Rolando Valeriano, Rep. Irwin Tieng at Rep. Edward Maceda. Naroon din siyempre si Vice Mayor Yul Servo na runningmate pa rin ni Mayor Honey.
Kung bakit sumapi si Mayor Honey sa partidong LAKAS-CMD at kung bakit din kinuha siya nina Speaker Martin bilang miyembro ay simple lamang.
Kapwa sila nananalig sa parehong uri ng prinsipyo at plataporma pagdating sa pagbibigay ng serbisyong tiyak na pakikinabangan at madarama ng taumbayan. Sa kaso ni Mayor Honey, para sa mga taga-Maynila.
Ang matibay at matinong liderato, karanasan at katapatan ni Mayor Honey bilang mayor ng kapital ng bansa ang pangunahing tinignan ng LAKAS-CMD nang kunin siyang miyembro nito.
Maliwanag din naman sa kasaysayan ng halalan sa Maynila na si Mayor Honey ay hindi lamang nagtala ng rekord bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng lungsod.
Nang manalo siya noong 2022 laban sa mga katunggali na kilalang mga politikal na angkan sa Maynila, ang naitala niyang kalamangan ay record-breaking din dahil pagsamahin man ang boto ng mga nakalaban ay lalamangan pa rin niya sila ng may 200,000 na boto.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Honey ay nasungkit ng partido lahat ng posisyon sa Maynila noong 2022 elections mula mayor, vice mayor, Congressman at konsehal.
Sariling kayod ito ni Mayor Honey at mga kapartido. Ni hindi sila sinamahan sa kampanya ni ex-Mayor Isko dahil abala nga ito sa pagtakbo bilang Presidente.
Sa totoo lang, hindi lang naman Maynila ang iniwan ni Isko noon kundi maging ang mga kapartido niya. Dalawang beses lang siyang lumutan at ‘yan ay nung umpisa at pagkatapos ng kampanyahan at maging sa pondo ay wala namang inasahan sa kanya ang mga taga-partido.
Ang pagsasanib ng Asenso Manileno at LAKAS-CMD ay masasabing isang uri ng partnership na para sa higit pang ikauunlad ng mamamayang taga-Maynila.
Siyempre, habang si Mayor Honey ang nakaupong alkalde ay nariyan ang partido ni Speaker Romualdez at maging ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para magbuhos ng tulong sa Maynila.
Kay Mayor Honey kasi, nakakatiyak sila na makakarating sa tao ang anumang tulong na kanilang ipaaabot dahil wala itong bisyong sugal, wala siyang rekord ng anumang korapsyon sa paghawak ng pondo ng lungsod at higit sa lahat, wala siyang ambisyon na mag-Presidente.
Samakatwid, ang lahat ng kanyang kilos ay nakatuon lamang para sa lungsod at mga taga-Maynila, wala nang iba.