MISMONG sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang nanguna sa isinagawang pagdiriwang ng lungsod ng Maynila ng ika- 164th birth anniversary ni Dr. Jose Rizal nitong Huwebes, Hunyo 19, kung saan nanawagan din ang alkalde sa mga residente, partikular sa mga kabataan, na tularan ang pagmamahal sa bayan na ipinamalas ng ating Pambansang Bayani.
Una nang dinaluhan ni Lacuna ang pag-aalay ng bulaklak sa sikat na Rizal Monument sa Luneta, kung saan kasama niya ang ilang mga kinatawan mula sa National Parks Development Committee, National Historical Commission of the Philippines, The Most Worshipful Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines at Order of the Knights of Rizal.
Matapos nito ay nagtungo sina Lacuna at Servo sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) campus at pinangunahan ang wreath-laying ceremony sa bust ni Dr. Jose Rizal doon.
Dahil kasabay ng okasyon ang pagdiriwang ng 60th founding anniversary ng PLM, si Lacuna kasama sina Col. Galileo R. Goyena, Jr., MNSA (CAV) PA at mga miyembro ng board of regents ng PLM, ay nag-alay ng mga bulaklak sa bust ni Dr. Jose Rizal, habang sina Servo at PLM President Sonny Reyes naman ang nag-alay ng bulaklak sa monumento ni dating Pang. Diosdado Macapagal.
Ang nasabing aktibidad ay sinundan ng paggawad ng plaques of recognition ng PLM para kina Lacuna at Servo, bilang pagkilala sa kanilang mahusay na pamumuno at mga kontribusyon sa pagpapaunlad ng unibersidad, sa panahon ng kanilang administrasyon.
Ayon sa alkalde, ang naturang okasyon ay dapat na magsilbing paalaala sa ipinamalas ni Dr. Jose Rizal na katapangan, commitment at pagmamahal sa bayan, sukdulang ialay nito ang sariling kalayaan at buhay, na siyang nagbigay -daan upang makamit ng bansa ang kalayaang tinatamasa nito sa ngayon.
Tulad naman ni Rizal, nagpahayag rin ng paniniwala si Lacuna na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.














