MULING inaresto ang isang lalaking kabilang sa listahan ng regional recalibrated list of drug personalities sa probinsya ng Masbate sa isinagawang buy-bust operation ng mga kawani ng Masbate CPS, City Drug Enforcement Unit at Provincial Drug Enforcement Unit sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ROV.
Ang naturang operasyon ay naganap dakong 9:15 ng gabi sa Zurbito St . Brgy Pating, Masbate City. Ang suspek ay kinilalang si Jaypee Arcenas y Burlaos, alyas Jaboy/ Archie, 36 anyos at residente ng Ybanez St., Brgy. Kalipay, Masbate City.
Siya ay dinakip ng mga otoridad nang bentahan nito ang poseur-buyer ng isang pakete na droga.
Bukod dito, nakuha rin sa kanya ang siyam na iba pang pakete ng pinaghihinalaang “shabu”, weighing scale; 2 cell phone; gunting; at isang kulay pula at itim na motor.
Si Arcenas ay dati nang naaresto para sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at ngayon sa ikalawang pagkakataon ay muli nitong kakaharapin.
Ang PNP-Bicol sa pamumuno ni PBGen.Jonnel Estomo ay wala pa ring tinag sa operasyon nito kontra droga.
Bilang pagpapatuloy sa mga nasimulan nito, mahigpit ang pagmamatyag sa mga indibidwal na kabilang sa listahan ng mga user at pusher sa rehiyon upang pabulaanan ang kanilang pagkakasangkot sa iligal na bentahan ng droga. (VICTOR BALDEMOR)