Tubig sanhi ng diarrhea outbreak sa Baguio City

By: Jaymel Manuel

Inihayag ng Department of Health (DOH) na kontaminado ang pinagkukunan ng tubig sa Baguio City na posibleng dahilan ng acute gastroenteritis outbreak doon.

Sinabi ni DOH spokesperson Undersecretary Eric Tayag na sa preliminary results, isang pinagkukunan ng tubig sa luvar ang kontaminado.


Unang nagdeklara si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ng diarrhea outbreak matapos na umabot sa 1,602 kaso ng diarrhea ang naitala sa lugar.

Napag-alaman na 218 establisimiyento ang apektado at 80 households.

Sinabi ng Baguio City Health Services Office (CHSO) na posibleng kontaminasyon ng tubig ang sanhi ng pagtaas ng kaso ng diarrhea kaya kumuha sila ng sample ng tubig sa iba’t-ibang pinagkukunan ng tubig para masuri.


Sinabi ni Tayag na nagsimulang tumaas ang kaso ng diarrhea sa Baguio City noong Disyembre 21,2023.

“Aasahan namin na baka tumaas pa ito sapagkat ang City Health Office ng Baguio at si Mayor Magalong ay naglabas ng QR code kung saan ang mga nakatira ro’n ay pwedeng mag-report para mas mabilis kung sinuman ang nagkakaroon ng diarrhea,” dagdag ni Tayag.


Ang Epidemiology Bureau at ang Center for Health Development Cordillera Administrative Region ay tumutulong umano sa Baguio City government para ma-kontrol at mapigilan ang pagtaas ng kaso ng diarrhea.

Pinayuhan rin ng DOH ang publiko na gumamit ng malinis na tubig sa inumin,pagluluto, pagsi-sipilyo at paghuhugas ng kamay at mukha.


“Water may be boiled for two minutes (start timer after water comes to a rolling boil). The use of chlorine-based water disinfection solution or tablets, if available in health centers, is also recommended. The public is also advised to report any change in color or odor of their household tap water,” giit pa ni Tayag.

Sa sandaling magtae, dapat umano na mapalitan ang nawalang fluids sa katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig na may oral rehydration solution (Oresol) at kaagad na magpa-konsulta sa doktor.



Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read

Latest News