Dalawampu’t anim na lugar sa Puerto Galera ang kontaminado sa “oil and grease” matapos ang ginawang pagsusuri sa kinuhang water samples sa may 35 sampling stations.
Batay sa inilabas na joint statement ng Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), napag-alaman na sa resulta ng pagsusuri na inilabas noong Abril 14 ay siyam na sampling stations lamang ang nakapasa sa criteria ng water quality guideline na itinakda ng DENR Administrative Order 2016-08 o Water Quality Guidelines and General Effluent Standards of 2016.
Kabilang dito ang small Lalaguna at big Lalaguna Shoreline, Balete, Central Sabang Shoreline, Coco Beach, Batangas Channel, Paniquian, Balatero at West San Isidro Bay.
Nagbabala ang DOH sa publiko na huwag inumin ang tubig sa mga apektadong lugar dahil sa posibleng sakit na makuha gaya ng pananakit ng tiyan,pagsusuka,pagkahilo at pagtatae.
Pinayuhan din ang publiko na huwag munang kumain ng kontaminadong isda,shellfish at iba pang produktong seafoods.
Inatasan ng DOH ang mga Local Government Unit sa Puerto Gelera na patuloy pa rin ang gagawing monitoring sa kalidad ng tubig sa lugar, alinsunod sa guidelines ng DENR.
Patuloy pa ring inaalam ng mga ahensiya ng gobyerno ang posibleng dahilan ng kontaminasyon ng tubig sa lugar kung may kinalaman ito sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Samantala, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na kaagad na kumunsulta sa doktor sa sandaling makaramdam ng sintomas.














