DINAKIP ang isang Tsinoy matapos nitong buhusan ng kape ang isang pulis-Maynila na nagbigay ng kape sa kanya para payapain, matapos magwala makaraang malasing sa loob ng isang bilyaran,kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Nahaharap sa kasong alarm and scandal at direct assault ang suspek na si Ralph Sy, 57, biyudo, engineer, tubong Zamboanga at taga 4th. St. Brgy. Pembo, Makati City.
Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District -Police Station 4, alas-4 ng madaling araw nang lumabas ang suspek sa Lakay Bar and Billiards sa may P Paredes St. Brgy. 462, at sa loob ng UBA Police Community Precinct na matatagpuan sa may P Noval St. Sampaloc, Maynila.
Sinabi Mario Reyes, Barangay Kagawad, na nang makita siya ay nag-eskandalo ang lasing na suspek at kung anu-anong hindi magandang salita ang sinabi sa kanya, dahilan para humingi ng tulong sa UBA PCP.
Pagdating sa lugar ng nga nagrespondeng pulis ay dinala sa UBA-PCP ang suspek at binigyan ito ng kape ni PSSg Mark Anthony Alata upang umayos ang pakiramdam nito.
Gayunman, pagtalikod ni Alata ay ibinuhos sa kanya ng suspek ang ibinigay nitong kape, dahilan para siya ay arestuhin at idetine.