DALAWANG beses na naglandfall sa area ng Cagayan si Typhoon Marce (international name Yinxing) bago tinahak ang landas palabas sa area of responsibility ng Pilipinas subalit napanatili nito ang kanyang typhoon category kaya nakataas pa rin ang mga storm warning signal sa maraming lugar sa hilagang Luzon hanggang kahapon, ayon sa state weather bureau.
Isa pa umanong low pressure ang binabantayan ngayon ng PAGASA na posibleng maging isang ganap na bagyo, oras na pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility at tatawaging TS Nika.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), umabot na sa 20,674 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Marce mula sa tatlong rehiyon sa bansa.
Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC kahapon ng umaga, katumbas ito ng 7,233 pamilya mula sa Region 1 o Ilocos region, Region 2 o Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Mula sa nabanggit na bilang, 3,958 pamilya o katumbas ng 11,476 indibidwal ang kasalukuyang nasa iba’t- ibang evacuation centers sa mga nabanggit na rehiyon.
Limang lugar sa northern Luzon ang isinailalim sa signal no. 4 dahil pa rin sa hagupit ng bagyong “Marce” na dalawang beses nang tumama sa kalupaan, na sa Sanchez-Mira, Cagayan ang pinakahuli, una sa area ng Sta Ana Cagayan.
Wala namang inulat pang nasawi o nasaktan ang Office of Civil Defense bunsod ng naganap na pananalasa nu TS Marce.
Samantala, ilang kalsada na ang hindi madaanan ngayon ng mga light vehicles partikular sa Poblacion, Pagudpud at Pancian sa Adams, Ilocos Norte at Nakanmuan, Sabtang sa Batanes.
Mayroon din ilang kalsada sa Isabela at Apayao ang hindi naman passable sa lahat ng uri ng sasakyan.