Itinaas ang tropical cyclone wind Signal No. 2 sa apat na lugar sa Cagayan Valley sa paglakas ni “Leon” (international name: Kong-rey) bilang isang bagyo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Kasalukuyang umiiral ang Signal No. 2 sa Batanes, Babuyan Islands, eastern portion ng mainland Cagayan (Gattaran, Baggao, Lal-Lo, Aparri, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, Santa Ana, Pe) at northeastern portion ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon).
Samantala, ikinasa ang Signal No. 1 sa natitirang bahagi ng mainland Cagayan, natitirang bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Aurora, northernportion ng Quezon saklaw ang Polillo Islands (General Nakar, Infanta, Real), Camarines Norte, eastern portion ng Camarines Sur (Tinambac, Siruma, Goa, Lagonoy, San Jose, Garchitorena, Caramoan, Presentacion, Tigaon, Calabanga, Saglay), Catanduanes, eastern portion ng Albay (Rapu-Rapu, Bacacay, City of Tabaco, Tiwi, Malilipot, Malinao, Santo Domingo, Manito) at northeastern portion ng Sorsogon (Prieto Diaz, City of Sorsogon, Gubat).
Inaasahan ng PAGASA na posibleng itataas ang Signal No. 3 o 4 sa patuloy na paglakas ni ‘Leon’ habang papalapit sa extreme Northern Luzon, subalit hindi inaalis ng state weather bureau na lumakas pa ito at maging isang ganap na super typhoon, kaya may posibilidad ng pagpapairal ng Signal No. 5 sa dadaanan ng bagyo.
Hanggang alas-11 ng umaga ng Oktubre 29, ang bagyo ay may maximum sustained winds na 130 kilometers per hour (kph) malapit sa sentro at gusts na aabot ng 160 kph.
Ang sentro ng bagyo ay 555 kilometers east ng Tuguegarao City, Cagayan, patungo sa direksyong west-northwestward sa bilis na 10 kph.
Sinabi ng PAGASA na inaasahang lalabas si Leon ng Philippine area of responsibility sa Huwebes o Biyernes.














