Truck driver, patay sa road rage

By: Baby Cuevas

Patay ang isang truck driver matapos na sagasaan ng nakaalitan niyang truck driver din, kamakalawa ng hapon sa southbound lane ng Mel Boulevard malapit sa Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) sa Vitas,Tondo, Maynila.

Nasawi habang ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Benjamin Bagtas, 47,taga 1190 Area A Gate 5 Parola Compound, Tondo, Maynila dahil sa matinding pinsala ng kataw, habang naaresto naman ng mga tauhan ng SM-PCP ang suspek na si Marlon Ilas, 34,truck driver at taga Purok 2 ,Centro 1,Malig Isabela City, na nagtangka pang tumakas.


Sa imbestigasyon ni PSSg Jason Ibasco ng Manila Police District -homicide section, naganap ang insidente, alas- 12:30 ng hapon sa nabanggit na lugar.

Ayon sa saksing si Bernardino Corpuz, sa C-3 Navotas pa lang ay nagsimula nang magkasagutan ang biktima na nagmamaneho ng Aluminum van na may conduction sticker na D2 H624 at ang suspek na nagmamaneho naman ng trailer truck na may plate number na NAS 9587 hanggang sumapit sa naturang lugar.

Bumaba umano ang biktima para komprontahin sana ang suspek kung bakit mabilis itong magmaneho, pero bago pa makalapit ay sinagasaan na ito ng suspek, dahilan para ma- sandwich siya sa pagitan ng dalawang sasakyan.


Nagpatuloy naman sa pagmamaneho ang suspek na hinabol ng mga nagpapatrulyang pulis kaya naaresto, habang dinala naman sa pagamutan ang biktima pero binawian rin ng buhay.

Sinampahan ng kasong reckless imprudence resultingin homicide ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.


Tags: Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP)

You May Also Like