Bukod sa National Disaster Risk reduction Management Council at kanilang operating arms sa pangunguna ng Office of Civil Defense ay naghahanda na rin ang Philippine Red Cross (PRC) sa isa pang bagyong nagbabantang pumasok sa area of responsibility ng bansa.
Nagbabala rin si PRC Chairman at CEO Richard Gordon dahil sa palakas aniya nang palakas ang mga bagyong dumarating sa bansa kaysa sa inaasahan.
Kung hindi magbabago ang tinatahak na direksyon ng namataang tropical depression ng Japan Meteorological Agency (JMA) sa bisinidad ng Guam na sinasabing ganap nang isang tropical storm na may international name na Kong-re ay maari umano itong pumasok sa bansa sa linggo at tatawagin itong Typhoon “Leon.”
Sa ngayon, nakakalat na ang humanitarian caravans ng Red Cross sa mga lugar na apektado ng Bagyong Kristine na inaasahang lalabas na Pilipinas bukas.
Nakaalerto rin ang Red Cross sa banta ng pagragasa ng lahar mula sa Bulkang Mayon sa Albay.
Samantala, umakyat na sa mahigit 3.3 million na mga Pilipino ang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Kristine sa bansa, habang mahigit 10,000 indibiwal naman ang lumikas dahil sa epekto ng bagyo, ayon sa pamunuan ng Department of Social Welfare and Development kahapon.
Ayon kay DSWD Asec. Irene Dumlao, mahigit 805,000 na pamilya na ang naapektuhan ng bagyo sa Ilocos Region pa lamang kabilang na ang karagdagang 40,000 na pamilya.
Aabot naman sa kabuuang 288,000 na indidibwal o katumbas ng 75,000 na pamilya ang namamalagi sa higit 3,300 shelters na itinalaga ng gobyerno.
Paliwanag ni Dumlao, biglang lobo ang numero ng mga apektadoong Pilipino matapos na maipasa sa kanila ang disaster reports mula sa region 1, 2, at sa Central Luzon.
Kaugnay nito ay nakapaghatid na rin ang ahensya ng P111 million na halaga ng humanitarian aid na kinabibilangan ng mahigit 150,000 family food packs at mga non-food items sa mga evacuations centers kung saan namamalagi ang mga lumikas na pamilya.