TRIKE DRIVER, PATAY SA SAKSAK NG PAMANGKIN

By: Baby Cuevas

Dead on arrival sa ospital ang isang tricycle driver matapos pagsasaksakin ng sariling pamangkin sa loob ng kanilang tahanan sa Tondo, Manila nitong Martes ng gabi.

Ang biktimang si Marcelino Añasco, 57, ng Aguinaldo Street, sa Tondo, ay nasawi dahil sa tinamong mga tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Samantala, sugatan naman at nilalapatan ng lunas sa naturang pagamutan ang kapatid niyang si Arturo Añasco, 59, construction worker at arestado naman at mahaharap sa kasong pagpatay ang suspek na si Romeo Añasco, 31.


Batay sa imbestigasyon ng homicide section ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng gabi sa loob ng kanilang tahanan.

Nauna rito, sa di pa batid na kadahilanan ay kinompronta umano ni Marcelino ang kanyang kuya na si Arturo, na humantong sa pagpalo nito ng tubo at pagsaksak sa kapatid.


Nakita umano ni Romeo ang nangyari kaya’t tinulungan nito si Arturo.

Sinugod ni Romeo si Marcelino at saka pinagsasaksak. Nang humandusay ang tiyuhin ay mabilis nang tumakas ang suspek habang isinugod ng iba pang kaanak ang magkapatid sa pagamutan.


Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya at nadakip si Romeo.

Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like

Most Read