Patay ang isang tricycle driver habang sugatan naman ang kanyang pasahero matapos na pagbabarilin ng nagsosolong gunman, kahapon ng madaling araw sa Sta.Cruz, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PSMS Boy Niño Baladjay ng Manila Police District-homicide section, kinilala ang biktima sa alyas na ‘Moises’, itinatayang 25-30 anyos. Siya ay nasawi dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan.
Tinamaan din ng bala sa hita ang pasahero ng biktima na si Ridel de la Cruz,alyas Nunoy, 27, ng No. 1715 Road 3, Bagong Sicat,Punta ,Sta. Ana, Maynila.
Naganap umano ang insidente alas- 2:10 ng madaling araw sa may tapat ng SM San Lazaro sa Lacson Avenue corner Tayuman, Sta.Cruz, Maynila.
Nakasakay umano si Dela Cruz, kasama ang kanyang girlfriend, sa tricycle nang pagsapit sa lugar ay sumulpot ang gunman nakasakay sa motorsiklo na walang plaka at pinagbabaril ang direksiyon ng mga biktima.
Sa kabila nang may tama sa hita ay tumalon ng tricycle si Dela Cruz, habang pinaharurot ni Moises ang tricycle pero inihinto din niya ito bago bumaba nang nakataas ang kamay.
Sa kabila nito, binaril naman ng suspek ang biktima ng dalawang beses na naging sanhi ng kanyang kamatayan. (Anthony Quindoy)