Natigil pansamantala ang biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nitong Martes ng hapon matapos na tumirik ang isa sa mga tren nito.
Batay sa abiso na inilabas ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, nabatid na dakong alas-2:42 ng hapon nang magkaaberya ang tren sa southbound ng EDSA Station.
Dahil dito, nagpatupad ang linya ng tren ng 25KPH restriction mula Baclaran Station sa Parañaque City hanggang sa Roosevelt Station sa Quezon City.
“Advisory: As of 2:42 PM, May 9, 2023, a 25KPH restriction has been put in place from Baclaran to Roosevelt. Technician is already on the way to check on the fault of affected train. Please allow additional travel time for about 15 minutes.” abiso nito.
Pagsapit naman ng alas-2:46 ng hapon ay tuluyan nang ipinatupad ang stop for safety sa linya.
Kaagad rin naman umanong tinugunan ng mga technician ng LRT-1 ang problema.
Humingi rin ang LRMC ng pang-unawa dahil sa nangyari.
“ADVISORY: As of 2:46 PM, May 9, 2023, a stop for safety has been put in place from Baclaran to Roosevelt. Technician is already on board working the fault of the affected train located at Edsa Station southbound. Thank you for your understanding. Ingat po sa biyahe!” anito pa.
Dakong alas-2:58 ng hapon nang maayos ang problema at tuluyang naibalik sa normal ang biyahe ng LRT-1.
“UPDATE: As of 2:58 PM, May 9, 2023. LRT-1 has resumed full operations from Baclaran to Roosevelt Station and vice versa. Ingat po sa biyahe!” anang LRMC.