TRB: Dry-run para sa contactless toll collection, tuloy hanggang sa katapusan ng taon

By: JANTZEN ALVIN

Inianunsiyo ng Toll Regulatory Board (TRB) kahapon na magpapatuloy ang isinasagawa nilang dry-run para sa contactless toll collection sa ilang piling toll plaza sa mga expressways sa bansa, hanggang sa katapusan ng taong 2023.


Sa isang abiso nitong Martes, sinabi ng TRB na palalawigin nila ng dalawang buwan pa ang naturang dry-run, o mula Nobyembre hanggang Disyembre.

“The dry-run on the re-implementation of the contactless program is extended for additional two (2) months from November 1, 2023 to December 31, 2023,” anunsiyo ng TRB.

Anang TRB, ang lahat ng kuwalipikadong toll plaza ay patuloy na magpapatupad ng dry-run sa nasabing mga petsa.


Ang mga natitira pa namang toll plazas na hindi pa kuwalipikado para sa dry run ay isaisailalim sa ebalwasyon para mapasama na rin dito.

Pagtiyak naman ng TRB, magpapalabas sila ng kaukulang advisory para sa mga bagong toll plaza na mapapasama na rin sa dry-run sa mga susunod na araw.


“All previously qualified Toll Plazas shall continue to implement the Dry-run until December 31, 2023,” anang TRB. “The remaining non-qualified Toll Plazas shall be evaluated for inclusion in the Dry-run, and proper advisory for their participation shall be posted accordingly in due course.”

Sakali naman anilang maging matagumpay ang dry-run ay maaaring maipatupad nang muli ang contactless program simula sa Enero 1, 2024.


Muli rin namang pinayuhan ng TRB ang mga toll users na gumamit na ng Radio Frequency Identification (RFID) para magbayad ng toll fee, at tiyaking ang kanilang mga accounts ay may sapat na load para sa mas mabilis at mas kumportableng pagbiyahe sa mga expressways.

Matatandaang ilan sa mga toll plazas na kabilang na sa dry run ng contactless toll collection ay ang North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), South Luzon Expressway (SLEX), at Cavite-Laguna Expressway (Cavitex).



Tags: Toll Regulatory Board (TRB)

You May Also Like