Magandang balita para mga nagbibiyahe.
Naghain si Senador Erwin Tulfo ng panukalang batas na naglalayong buwagin na ang travel tax na aniya’y humahadlang sa kaparatan ng mga Pilipinong maglakbay.
Sa kanyang Senate Bill no. 1409, nilalayon ni Tulfo na alisin na ang travel tax, alinsunod sa pinirmahan ng Pilipinas noong 2002 na “ASEAN Tourism Agreement”.
“Halos labing-apat na taon na ang lumipas mula nang pirmahan ng Pilipinas ang ASEAN Tourism Agreement, ngunit pinapatawan pa rin natin ng travel tax,” anang Senador.
Ayon pa kay Sen. Erwin, ang panukalang ito ay isang “kongkretong hakbang upang matiyak na ang paglalakbay ay magiging mas patas, accessible, at makatwiran ang presyo para sa mga Pilipino.”
Ang kasalukuyang koleksiyon ng travel tax ay batay sa ilang batas. Ang Republic Act No. 1478 (Tourism Board Law) ay naglalaan ng 50% ng koleksiyon para sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority Board of Travel and Tourist. Samantala, ang RA 7722 (Higher Education Act) ay naglalaan ng 40% ng kita para sa Commission on Higher Education, at ang RA 9593 (Tourism Act of 2009) ay naglalaan naman ng natitirang 10% ng koleksiyon para sa National Commission for Culture and the Arts.
Ang kasalukuyang umiiral na travel tax rates para sa economy hanggang first-class passengers ay naglalaro mula P1,620 hanggang P2,700. Ang Standard Reduced ay nasa P810 hanggang P1,350, at ang Privileged Reduced para sa mga dependent ng Overseas Filipino Workers ay P300 hanggang P400.
Ani Sen. Erwin, “kung talagang gusto nating paunlarin ang sektor ng turismo ng bansa at makipagsabayan sa ating mga kalapit na bansa sa Timog-Silangang Asya, kailangan nating alisin ang mga balakid na ito na nagpapahina sa kakayahan ng mga Pilipinong maglakbay.”
“Karapat-dapat ang mga Pilipino sa mas magandang karanasan sa paglalakbay na hindi lang magbibigay ng magagandang alaala kundi mas mailalantad din sila sa iba’t ibang kultura sa buong mundo,” dagdag pa nito.














