Ipinag-utos ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople ang pagsasara sa isang travel consultancy agency sa Quezon City matapos na matuklasang sangkot ito sa umano’y illegal recruitment.
Mismong si Ople naman ang nanguna sa pagsara sa OVM Visa Assistance and Travel Consultancy, na matatagpuan sa Barangay Pasong Tamo, nitong Biyernes, matapos na matuklasang nagre-recruit umano ito ng mga overseas Filipino workers (OFWs) patungong Poland at Malta nang walang kaukulang lisensiya.
Ayon kay Ople, nag-ugat ang closure order laban sa kumpanya sa reklamo ng isang “Denise” na humingi ng tulong sa DMW-Migrant Workers’ Protection Bureau (DMW-MWPB).
Kaagad namang nagsagawa ng surveillance operations ang DWM-MWPB laban sa travel agency at dito nila natuklasang nag-aalok ito ng trabaho para sa kitchen helpers, housekeepers, waiters, at waitresses sa Malta at Poland.
Sa salaysay ng isang empleyado ng OVM, nabatid na hinihingian ng travel agency ang mga jobseekers ng pasaporte at biodata at pinagbabayad ng P420,000 na processing fees.
Hinihingian rin umano sila ng down payment na P60,000 sa sandaling maisumite na nila ang requirements.
Sa sandali namang maisyuhan ng work permit, ang aplikante ay kailangan nang magbayad ng karagdagang P100,000.
Ang balanse naman ay babayaran nila ng installments hanggang sa tuluyan itong mabayaran ng buo.
Kinakailangan rin umano ng aplikante na maghintay ng mula anim hanggang pitong buwan bago sila ma-deploy sa ibayong dagat.
Kaugnay nito, tiniyak rin ni Ople na sasampahan nila ng kasong illegal recruitment ang may-ari at mga empleyado ng kumpanya.
Ayon kay Ople, irerekomenda rin nila sa Quezon City Government na kanselahin ang business permit at registration ng OVM.
Samantala, mahigpit ring pinaalalahanan ni Ople ang mga OFWs na mag-aplay lamang sa lehitimong recruitment agencies.
Hinikayat rin niya ang publiko na kaagad na ireport sa DMW kung may nalalaman silang anumang travel o consultancy agency na nagre-recruit ng manggagawa para magtrabaho sa ibang bansa, dahil ito ay malinaw aniyang paglabag sa anti-illegal recruitment law.
“To the public, please report to the DMW any travel or consultancy agency recruiting workers for abroad. These are clear violations of the anti-illegal recruitment law,” ani Ople.
“The DMW-MWPB is asking victims of the illegal recruitment agency to contact them directly through their Hotline: +63 2 8722-1192 or their Facebook page at https://www.facebook.com/airbranch so the DMW can assist them in filing their complaints,” anito pa.














