Ni Itchie G. Cabayan
UMABOT sa hindi bababa sa limang milyong deboto ang lumahok sa Traslacion 2026, habang sa pagtaya naman ng Manila Police District (MPD) ay nasa 2,784,000 deboto ang mismong sumama sa prusisyon.
Inabot ng halos 31 oras bago naipasok ang andas ng Poong Jesus Nazareno sa Simbahan ng Quiapo. Alas- 10:50 Sabado ng umaga natapos ang Traslacion, matapos na umalis sa Quirino Grandstand ang Poong Nazareno madaling-araw nitong noong Enero 9, 2026.
Ayon pamunuan ng Quiapo Church ,umabot sa 30 oras at 50 minuto ang Traslacion 2026. Ito na ang pinakamahabang oras ng Traslacion ng Poon ng Itim na Nazareno.
Dalawang insidente ng pagkamatay ang naitala at may 1,054 deboto ang binigyan ng medikal na tulong ng mga nakaposteng tauhan ng Department of Health (DOH).
Kabilang sa nasawi ang isang photographer ng “Saksi” na si Armelito “Itoh” Son na inatake sa puso.habang nagco-cover ng Traslacion bagamat hindi kasama sa pulutong ng mga deboto, habang isang deboto ang nagulungan umano ng Andas.
Nagpasalamat naman si Fr. Ramon Jade Licuanan, parish priest at rector ng Quiapo church sa lahat ng mga nakibahagi, sa lahat ng volunteers at mga tumulong upang mapanatiling maging maayos at payapa ang pagdiriwang kasunod ng ibinigay ng pagbabasbas sa lahat ng nakiisa.
Samantala, isang deboto na ‘wanted’ sa kasong pagnanakaw ang dinakip ng mga awtoridad sa kasagsagan ng ‘Traslacion 2026’ sa Quiapo, Maynila nitong Biyernes ng hapon.
Nakasuot pa ng t-shirt ng itim na Poong Nazareno ang ngayon ay nakapiit na sa himpilan ng pulisya na si alyas ‘Neil,’ 24, residente ng Pasay City.
Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Sta. Cruz Police Station (PS-3), dakong ala-una ng hapon nang arestuhin ng mga operatiba ng Warrant and Intelligence ng MPD PS-3 ang suspek sa Villalobos Street sa tapat ng Quiapo Church, sa kasagsagan mismo ng pagdaraos ng prusisyon.
Una riyan ay nakatanggap umano ng tip ang mga pulis na matatagpuan sa lugar ang suspek kaya’t kaagad itong tinarget sa operasyon.
Agad namang naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong theft, na inisyu ni Hon. Jose Cordero, Jr., presiding judge ng Manila Metropolitan Trial Court (MeTC) Branch 11, noong Nobyembre 18, 2025.
Itinakda ng hukuman ang piyansang P10,000 para sa pansamantalang paglaya ng suspek.














