Ito ang assessment ng Philippine National Police (PNP) sa idinaos na Traslacion 2025 para sa kapistahan ng Poon Hesus Nazareno na sinalihan ng humigit- kumulang sa walong milyong deboto na tumagal ng halos 21 oras bago tuluyang nakabalik sa Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazarene o Quiapo Church.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, maituturing na matagumpay at masasabing payapa sa pangkalahatan ang kabuuan ng prusisyon ng Poong Hesus Nazaremo bagama’t nagkaroon ng bahagyang tensyon sa prusisyon nang magtangka ang mga deboto na buwagin ang barikada. Agad namang napahupa ang tensyon at tumakbo nang maayos ang prusisyon.
Sa ulat na ipinarating ni PBGen. Ponce Peñones, Jr., deputy director for operations ng PNP- National Capital Region Police Office sa tanggapan ni Gen Marbil, idineklara nitong “the event was generally peaceful.”
“Wala tayong reported na any untoward incident except for minor incident ‘yung mga medical emergency na kung saan may nahihimatay. May mga nasugatan sa paa,” ani PBGen. Peñones .
Base rin ito sa ulat ng Philippine National Red Cross kung saan umabot sa may 1,000 katao ang kinailangang lapatan ng lunas.
Nabatid na bandang ala-1:26 ng madaling araw ay ganap nang naibalik ang imahe ng Jesus Nazarene sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno.
Kasunod nito, pinuri ni Marbil ang mga pulis na nagbantay ng seguridad sa Traslacion.
Ayon kay Marbil, ipinatupad ng iba’t- ibang security agencies ng pamahalaan ang kanilang inilatag na security blanket dahil sa kanilang ipinakitang dedikasyon sa trabaho ng mga ito.
Umabot sa 20 oras, 45 minuto at apat sna egundo ang kabuuang ‘Traslacion’ kung saan umalis ang Poon mula sa Quirino Grandstand ng 4:41 ng umaga ng Huwebes, Enero 9, 2025.
Sinasabing higit na mas malaki ang bilang ng mga dumalong deboto ngayong taon kumpara noong nakaraang taon na mayroong estimate na 6.5 milyon katao na dumalo at umabot lamang ang Traslacion ng 14 oras, 59 minuto at 10 segundo.
Ito ang unang pagdiriwang mula nang ideklara bilang “national feast” sa lahat ng dioceses sa bansa ang kapistahan ng Hesus Nazareno.