ITINATAYANG nasa mahigit dalawang- milyong deboto ang nakiisa kahapon sa ginanap na ‘Traslacion 2024’ na maituturing na naging maayos sa gitna ng ulat na daang katao ang kinailangang bigyan ng pangunahing lunas matapos na masaktan o mahilo sa kasagsagang ng prusisyon.
May mga nagpilit din umanong umakyat sa andas ng Mahal na Poong Nazareno at habang umuusad ang ‘Traslacion 2024’ sa gitna ng libu-libong mga deboto na nag-aabang sa mga kalye na daraanan ng prusisyon, kahit pa mahigpit na ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagsampa rito bukod sa paulit-ulit na panawagan ng mga awtoridad.
Sadyang binago na ang disenyo ng andas at inilagay na sa loob ng ‘laminated tempered glass case’ ang imahe ng Black Nazarene subalit marami pa rin ang umakyat para mak haplos o makahawak sa imahe na tanging maliit na bahagi na lamang ng dulo ng Krus ang nakalitaw.
Habang inilalakbay ng Patron Nuestro Señor Jesus Nazareno ang landas pabalik ng Basilica Minor ng Quiapo ay walang naitalang ‘untoward incidents’ at maliban sa mga naipit, nasaktan at nahilo na kinailangang mabigyan ng medical attention ay maituturing umano na naging mapayapa at maayos ang prusisyon.
Una nang ipinagmalaki ni Interior Secretary Benhur Abalos, Jr., na: “This is the government at work. So, detalyado, very comprehensive. Ang masasabi ko hundred percent prepared ang kapulisan, ang AFP, ang Bureau of Fire, ang MMDA, lalo na ang City of Manila.”
“Ito po ay talagang mahigpit na ipinagbilin ni Pangulong BongBong Marcos sa amin, sa nasyonal hanggang sa lokal. Kung makikita nyo po, kumpleto po ngayon ang lahat ng aspeto—security, safety, at medical. Sanib puwersa dito ang national government at ang local,” ani Sec. Abalos.
Magugunitang una nang pinapurihan ng DILG secretary si Manila Mayor Honey Lacuna at ang pamunuan ng simbahan sa magandang preparasyon at security blanket na kanilang inilatag kaugnay sa Pista ng Itim na Poon Nazareno.
Ntong mga nakalipas na taon ay inaabot ng may 20 oras bago tuluyang maipasok ang mahal na Patron pabalik ng simbahan mula sa Quirino Grandstand.














