Transport strike ng PISTON, aarangkada na ngayong Lunes

By: Philip Reyes

Aarangkada na simula ngayong Lunes, Nobyembre 20, ang ikinakasang transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) upang ipakita ang kanilang pagtutol sa isinusulong ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Ayon kay PISTON President Mody Floranda, tatagal ang kanilang tigil-pasada hanggang sa Nobyembre 23, Huwebes.

Inaasahan aniya nilang lahat ng driver ay makikilahok sa tigil-pasada dahil ito ay usapin ng kanilang kabuhayan.


Nilinaw naman ni Floranda na bagamat ang tigil-pasada ay protesta sa nalalapit na December 31 PUV Modernization enlistment deadline, ay hindi naman aniya sila tutol sa modernization efforts ng pamahalaan.

Aniya pa, ang nais nila ay ayusin ng pamahalaan ang public transportation upang magkaroon ito ng sariling industriya.


Dagdag pa niya, sa ilalim ng kasalukuyang modernisasyon, ang makikinabang ay ang mga nagdadala sa bansa ng minibus, gaya ng China at Japan, habang pinapatay naman ang kabuhayan ng mga lokal na mga manggagawa.

Giit pa niya sa isang panayam sa radyo kamakailan na, “Sa ilalim ng modernization, ang dapat mas na tinutulungan ay ang mga lokal na manggagawa at operator. Dapat payagan ang rehabilitation. Bakit kailangan hawak ng malalaking korporasyon o negosyante ang public transport?”


Ayon naman kay PISTON Secretary General Steve Ranjo, nagsama-sama ang iba’t-ibang asosasyon ng masang tsuper at operator upang kondenahin ang napipinto at tuluy-tuloy na phase-out sa mga tradisyunal na public utility jeepneys (PUJs), sa pamamagitan ng sapilitang konsolidasyon.

Aniya, masaker ito sa kanilang kabuhayan dahil sa pamamagitan aniya nito ay maaagaw ang kanilang prangkisa at magbibigay-daan sa monopoly, na kontrolado ng malalaking korporasyon sa transportasyon.

Una naman nang binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga lalahok sa tigil-pasada na maaaring maharap sa suspensiyon o pagbawi ng kanilang prangkisa.

Magbibigay rin umano sila ng libreng sakay at mag-iisyu ng special permits para sa mga jeepneys na pabibiyahihin sa mga rutang apektado ng tigil-pasada.

Sa panig ng Department of Education (DepEd), nanindigan ito na hindi magsususpinde ng klase, at ipinaubaya ang desisyon dito sa mga apektadong lokal na pamahalaan.

Tags: Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON)

You May Also Like

Most Read