Latest News

Training ship, nasagi, nasunog

By: Baby Cuevas

Isang training ship ang nasunog matapos na masagi ng isa pang barko na nakadaong sa Navotas Anchorage Area, kahapon ng umaga sa karagatan sakop ng Navotas City, habang kasagsasagan ng pananalasa ng bagyong Enteng.

Sa incident report ng Philippine Coast Guard (PCG), ang naturang insidente ay nagbunga ng sunog, dahilan para abandonahin ng 18 tripulante ang M/V Kamilla, isang training ship.

Napag-alaman na alas- 7:28 ng umaga nang masagi ng LCT GT Express ang M/V Kamilla, dahilan para masira ang isang bahagi ng barko.

Ayon sa Coast Guard Sub-Station (CGSS) Navotas, hinampas ng alon ang LCT GT Express na nakadaong rin sa lugar, dahilan para tamaan nito ang M/V Kamilla.

Tinangka ng PCG na sagipin ang mga tripulante pero nabigo sila dahil sa malakas na hangin at malalaking alon.

Dakong alas – 9:19 ng umaga nang iulat na ang MV Kamilla ay nasunog at alas -10:50 ng umaga nang ipaalam ng may-ari ng MV Kamilla na inabandona na ng mga tripulante ang barko.

Bandang alas- 11:15 ng umaga nang itawag ng MTUG Phil Leyte na nasagip nilang 17 tripulante na dinala sa CGSS Navotas. Ang isang tripulante ay nasagip naman sa Barangay Sipac-Almacen at ngayon ay NASA Navotas City Hospital para sa atensiyong medikal.

Tags:

You May Also Like

Most Read