Sinabi ng Supreme Court na hindi na maaring mag-isyu ng traffic violation receipts (OVR) ang mga traffic enforcers ng mga local government units (LGUs) sa mga motorista, liban na lamang umano kung sila ay deputized ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ang SC en banc decision ay isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, kung saan nag-isyu ang SC ng permanent injunction sa LGUs at pinagbawalan silang mag-isyu ng Ordinance Violation Receipts (OVR) at magkumpiska ng lisensiya..
Gayundin,pinawalang-saysay rin ng SC ang mga specific ticketing provisions sa mga lokal na ordinansa ng mga lungsod ng Makati, Taguig, Parañaque, Pasay, Quezon, San Juan, Navotas, Las Pinas, Pasig, Muntinlupa, Mandaluyong, Valenzuela, Caloocan at Maynila, gayundin ang bayan ng Pateros.
Pinaburan pa ng SC ang petition for review on certiorari na inihain ng mga transport groups gaya ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (Fejodap), Alliance of Concerned Transport Operators (Acto), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Atodap) laban sa mga LGUs.
Kaugnay nito,binaligtad rin ng SC ang unang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagsabing walang conflict sa pagitan ng MMDA law at ng Local Government Code dahil ang mga ito ay may tukoy na hangganan.














