Arestado ang tinaguriang, ‘top 3 most wanted’ sa isang operasyon ng Taguig City Police Station sa Purok 2, Barangay Tanyag, Taguig City.
Ayon sa Southern Police District (SPD), ang suspect na kinilalang si alyas Oscar, 24 ay inaresto dahil sa bisa ng standing warrant of arrest para sa kasong Statutory Sexual Assault sa ilalim ng Section 5(B) ng Republic Act 7610.
Pinangunahan ang operasyon ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB-SPD) sa pamumuno ni PCol. Ricky Sumalde, Force Commander, at Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Taguig City Police Station.
Bitbit ng mga operatiba ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding judge Byron Gabbuat San Pedro ng Family Court Branch 15, ng Taguig City kung saan naaresto ang suspect, habang nagtakda naman ang korte ng piyansang P120,000.
Ang naarestong akusado ay pansamantalang nakakulong sa Taguig City Police Station Custodial Facility habang hinihintay ang pagbabalik ng warrant sa court of origin.














