Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang nakatatandang kapatid ni dating Presidential economic advisor Michael Yang na si Tony Yang.
Sa magkasanib na operasyon ng BI fugitive search unit (FSU) sa ilalim ni Rendel Ryan Sy at intelligence division (ID) sa ilalim ni Fortunato Manahan, Jr. at sa tulong ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ay nadakip na si Yang Jianxin, 54, mas kilala bilang Tony Yang, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Napag-alaman kay Border Control Intelligence Unit (BCIU) chief Bryan Allas na si Tony Yang ay dumating sa NAIA sakay ng Cebu Pacific flight mula Cagayan de Oro. Siya ay subject ng mission order na inilabas ng BI para sa agad na ikadarakip nito.
Ayon sa BI, ipapa-deport si Tony Yang dahil sa pagiging ‘undesirable’ at ;misrepresentation,’ kung saan nagkunwa itong Filipino at nagpakita ng pekeng dokumento ng SEC certification ng Phil Sanjia Corporation na pag-aari nito.
Kaugnay niyan ay nagsampa na rin ng kaso ang mga Pinoy employees ng nasabing kumpanya dahil sa non-remittance ng kanilang Social Security System (SSS), PAG-IBIG at PhilHealth contributions.
Si Tony Yang ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PAOCC na magsasagawa rin ng imbestigasyon kaugnay ng reklamo laban dito.
Samantala, nilinaw naman ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado na kung mapapatunayang guilty ay mahaharap si Tony Yang sa deportasyon at isasailalim din sa blacklisting ng bureau.














