TIYAKIN NA WALANG PORK BARREL SA 2026 BUDGET — SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Mahigpit na nanawagan si Senator Erwin Tulfo nitong Huwebes sa Senado na tiyaking walang “pork barrel” o discretionary funds na nakalaan para sa mga mambabatas sa panukalang P6.793-trilyong pambansang budget para sa 2026.

Binigyang- diin ito ni Tulfo, Vice Chairman ng Senate Committee on Finance, sa unang araw ng plenary debates ng Senado para sa House Bill No. 4058 o ang panukalang 2026 General Appropriations Bill (GAB).


“What assurance or guarantee you can give the public that is watching right now that in this 2026 national budget, there are no more pork barrels or budget for kickback, na ito po ay talagang lean and mean na budget, na hindi na po pagkakakitaan katulad ng nangyari last year and in the previous years?” tanong ni Tulfo sa plenary session.

Bilang tugon kay Tulfo, tiniyak ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na ang bersyon ng Senado ng GAB ay “corruption-free” matapos nilang hilingin ang mas espesipikong detalye sa bawat item ng budget, partikular sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa bersyon ng Senado ng 2026 GAB, ang mga budget item para sa imprastraktura ay kinakailangang maglaman ng mga station number upang matukoy ang eksaktong lokasyon at halaga ng mga proyekto ng DPWH.


Inalis din ng Senate Finance Committee ang mga item para sa Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP) sa ilalim ng unprogrammed funds, na tinukoy ng Senado bilang pinagmulan ng bilyong pisong flood control funds sa 2023 at 2024 national budgets.

In-adopt din ng Senado ang mas mababang halaga ng materyales para sa imprastrakturang ipapatupad ng DPWH. Ang bagong costing ng DPWH ay nagresulta sa pagbaba ng kabuuang gastos ng mga proyekto ng ahensya para sa susunod na taon.




Kasalukuyang binabatikos ang DPWH matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang multi-bilyong korapsyon sa flood control projects na diumano’y naganap dahil sa sabwatan ng ilang opisyal ng DPWH at mga mambabatas.

Pinaniniwalaang ang mga proyekto sa imprastraktura na pinondohan ng mga nakaraang at kasalukuyang pambansang budget ay nagsilbing source ng kickback ng ilang mambabatas.


Matatandaan na noong 2023, naglabas ang Korte Suprema ay naglabas ng makasaysayang desisyon na nagbabawal sa mga mambabatas na makialam sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan matapos maisabatas ang pambansang budget.

Tags: Senator Erwin Tulfo

You May Also Like