Tiktoker na nagsunog ng P20 bill, kinasuhan

TULUYANG sinampahan ng kaso ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine National Police (PNP) ang Tiktoker na nagsunog ng P20 bill sa isa niyang video na ini-upload sa popular na social media site.

“’Yan po ay bawal. Nag-file ng charges ang BSP at PNP laban dito,” ayon kay BSP Strategic Communication and Advocacy Managing Director Antonio “Tony” Lambino II sa Laging Handa public briefing.


“‘Wag lang po natin sadyaing sirain ang ating salapi dahil ‘yan po ay bawal,” paalala pa niya sa publiko.

Tinanggal na ng naturang Tiktoker ang kaniyang video nitong Abril makaraang umani siya ng “bashing” o batikos at nang makarating na ito sa BSP.

Sa kabila nito, sinabi ni BSP Senior Investigation Officer Atty. Mark Fajardo na natukoy na ang lokasyon ng uploader ng video kaya wala na siyang ligtas sa pananagutan.


Lumabag umano ang Tiktoker sa itinatadhana ng Presidential Decree 247 noong 1973, na ipinagbabawal ang “defacement, mutilation, tearing, burning, or destruction of central bank notes and coins”.

Maaaring makulong ng hindi hihigit sa limang taon ang sinumang mapapatunayang nagkasala at maaari ring pagmultahin ng P20,000 o pareho, depende sa desisyon ng korte. (Jaymel Manuel)


Tags: Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine National Police (PNP)

You May Also Like