DAHIL patuloy na lumiliit ang tsansa na may makuha pang buhay sa ilalim ng mga rumaragasang bato at lupa na tumabon sa Barangay Masara sa Maco, Davao de Oro ay posibleng mag-shift na umano ang mga rescue team sa search and retrieval operation.
Ito ay matapos na may mga nahukay nang body parts sa ilalim ng guho na tumabon sa may 50 kabahayan at tatlong bus na may sakay na mga empleyado ng isang mining company noong February 6, 2024.
Sa ginanap na pulong-balitaan kahapon, inihayag ni Leah Añora ng Management of the Dead and the Missing (MDM) na umakyat na sa 71 ang bilang ng nasawi hanggang kahapon ng alas-8 ng umaga, subalit pinangangambahang patuloy pang lolobo ang nasabing bilang habang nagpapatuloy ang search rescue and retrieval operation walong araw na ang nakalipas mula nang rumagasa ang toneladang lupa mula sa itaas ng kabundukan malapit sa isang mining sites.
Napag-alaman din na may mga body parts nang nakukuha ang mga rescue team mula sa ilalim ng guho.
“As of 8 in the morning today, we have a total of retrieved bodies and body parts, 71. So ang unidentified bodies naman natin there is a total of 17. In which, yung 70 natin they are situated sa ating tatlong identified na funeral homes,” ani Anora.
Sa nasabing pulong-balitaan ay nabanggit na may 47 pa na missing individuals pero posibleng bumaba ito oras na maisa-pinal ng MDM ang kanilang report katuwang ang National Bureau of Investigation.
“So we have complete bodies a total of 67 . Yung body parts natin we have four.,” ani Anora.
Kasalukuyan nang bineberipika ng Office of Civil defense, ang operating arm ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang inilabas na bilang.
Base sa unvalidated report ng NDRRMC ay may 55 ang kanilang naitalang ‘reported dead’ habang nanatili sa 32 ang bilang ng sugatan.
Sa datos ng Maco LGU kahapon, ibinaba na sa 47 ang bilang ng mga nawawala, bagamat hindi pa malinaw kung bakit binago ang nasabing bilang.
Kasunod ng naranasang sama ng panahon sa Mindanao, pinatitiyak ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman at Defense Sec. Gilberto Teodoro, Jr., sa Office of the Civil Defense na makararating ang tulong sa mga apektadong komunidad.














