INIHAYAG ng Philippine National Railways (PNR) na pansamantalang ititigil muna ang operasyon ng Governor Pascual-Tutuban at Tutuban-Alabang upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Jeremy Regino ang huling biyahe ng PNR ay sa Marso 27, Miyerkules Santo at magsisimula ang tigil-operasyon sa Marso 28, Huwebes Santo.
Inihayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista na magtatagal ang tigil-operasyon ng PNR hanggang sa tuluyang matapos ang konstruksiyon at magsimula ang operasyon ng NSCR.
Ang suspensyon, ani Bautista, ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero habang isinasagawa ang konstruksiyon.
Tiniyak naman ng DOTr na katuwang ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ay nakahanda na ang mga alternatibong bus routes upang magsakay sa mga pasaherong maaapektuhan ng pagtigil sa PNR operations.
Ang drop off at pick up sites ng mga bus ay ilalagay umano malapit sa kasalukuyang ruta ng PNR.
Ayon sa DOTR, ang southbound buses ay daraan sa Divisoria (Tutuban), Mayhaligue Street, Abad Santos Avenue, Recto Avenue, Legarda Street, Quirino Avenue, Nagtahan Flyover, Mabini Bridge, Quirino Avenue, Osmeña Highway, Nichols Entry, SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, at Alabang (Starmall).
Ang northbound buses naman ay daraan sa Alabang (Starmall), Manila South Road, East Service Road, Alabang (Entry), SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, Nichols Exit, Osmeña Highway, Quirino Avenue, Legarda Street, Recto Avenue, Abad Santos Avenue, Mayhaligue Street, at Divisoria (Tutuban).
Ang mga biyahe naman ng bus sa Tutuban-Alabang (Southbound) route ay sa ganap na 7:30 AM, 9:10 AM, 3:00 PM, 3:20 PM, 7:30 PM, at 9:00 PM habang ang bus trips naman sa Alabang-Tutuban (Northbound) route ay 5:00 AM, 6:30 AM, 11:00 AM, 11:45 AM, 5:00 PM, at 6:10 PM.














