Si Senator Erwin Tulfo habang nananawagan ng pansamantalang pagtigil ng pagpapadala ng OFWs sa mga lugar na apektado ng labanang Israel at Iran, sa kanyang pagdalo sa MACHRA Balitaan forum. Kasama niya sa larawan sina (kalilwa) MACHRA President Itchie G. Cabayan at (kanan) Vice President Andi Garcia.

TIGIL-DEPLOYMENT NG OFWs SA MIDDLE EAST SA GITNA NG ISRAEL-IRAN WAR, PANAWAGN NI SENATOR ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

IPINANAWAGAN ni Senator Erwin Tulfo sa pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Bureau of Immigration (BI), maging sa Department of Foreign Affair (DFA), na gumawa ng mga hakbang upang pansamantalang itigil muna ang deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East, kaugnay ng nagaganap na giyera sa pagitan ng Israel at Iran.

Sa kanyang pagdalo sa MACHRA’s Balitaan sa Harbor View ng Manila City Hall Reporter’s Association nitong Biyernes, binanggit rin ni Tulfo na ang kanyang magiging prayoridad bilang Senador ay ang pag-akda ng mga legislative measures na makatutulong sa mahihirap o pro-poor measures at wala umano siyang aaksayahing oras para matupad ito.


Samantala, sinabi ni Tulfo na napapanahon nang itigil muna ang pagpapadala ng mga OFWs sa Gitnang Silangan para na rin sa kaligtasan ng ating mga kababayang Pilipino., upang maiwasan aniyang maipit sa giyera at mapahamak ang mga kababayan nating nagnanais lamang na makapag-hanapbuhay kaya’t nagtungo sa naturang lugar.

Ayon kay Tulfo, sakaling magkaroon ng ceasefire o di kaya ay natapos ang giyera ay saka na lang muling mag-deploy ng OFWs sa mga bansa sa Middle East.

“Hindi naman lahat sa Middle East, kungdi ‘yung mga surrounding areas ng Iran at Israel like Saudi Arabia, Qatar and Bahrain at andiyan din ang Jordan and Egypt. Ngayon, kung padala tayo nang padala (ng OFWs) baka lumaki ‘yung giyera, mahihirapan tayo dahil milyon ang ating OFWs sa Middle East. If we keep sending (OFWs) now, baka pupuwede i-hold muna kasi delikado po ‘yung ating mga kababayan,” ani Tulfo.


“Siguro pag nagkaroon na ng ceasefire or natapos na ang giyera, baka puwede na tayo magpadala ulit but for now, baka po madisgrasya ang mga kababayan natin,” pagbibigay-diin pa nito.

Samantala, pinasalamatan ni Tulfo ang mga bumoto sa kanya kung saan napasama pa siya sa top five ng mga nanalong Senador sa katatapos na halalan.


Ani Tulfo, siya ay magiging ‘Senator for and of the people’ at titiyakin niya na hindi masasayang ang boto ng mga sumuporta sa kanya.

Gayundin, tiniyak ni Tulfo na patuloy niyang susuyuin ang mga hindi bumoto sa kanya at aalamin ang dahilan sa likod nito upang maipakita niya na maari nilang ibigay ang kanilang pagtitiwala sa kanya na gagampanan niya nang mabuti ang kanyang trabaho.


Napag-alaman din na kinausap na siya nina Senators Vicente Sotto III at Francis Escudero kaugnay ng kagustuhan ng mga ito na pamunuan ang Senado at sinabi umano niya na pag-iisipan niya. Aniya, kapwa ipinakita ng dalawa ang kanilang pagiging mabuting lider sa kani-kanilang pamamaraan.

Matatandaan na si Tulfo ay tumakbo at nanalo bilang bahagi ng senatorial slate ng administrasyon, ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, kung saan kasama niya si Sotto.



Tags: Senator Erwin Tulfo

You May Also Like