Tig-P100k ayuda, ibinigay ng Pagcor sa pamilya ng limang nasawing rescuers

Nagbigay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng tig-P100,000 tulong pinansiyal sa pamilya ng limang rescuer na nasawi sa pagganap ng kanilang tungkulin noong kasagsagan ng bagyong Karding sa Bulacan.

Kinilala ng Pagcor ang kabayanihan nina Narciso Calayag, Jr., Jerson Resurreccion, Marby Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agustin.


Ang mga biktima ay nalunod matapos na tangayin ng rumaragasang tubig -baha nang bumagsak ang isang pader sa kanila habang nagsasagawa ng rescue operation noong Setyembre 25,

Bukod sa ibinigay na pinansiyal na tulong sa mga pamilya ng limang nasawing rescue worker, nakipagtulungan ang Pagcor sa Bridges of Benevolent Initiative Foundation, Inc. (BBFI), ang charitable arm ng The Midori Clark Casino na pinamamahalaan ng BB International Leisure and Resort Development Corp. (BBI), sa pagsasagawa ng relief operations para sa mga nasalanta ng bagyo sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.

Kabilang sa mga tumanggap ng relief goods ang mga naapektuhan na residente sa bayan ng San Miguel at Sto. Nino, Pampanga na binigyan ng 400 at 150 food relief packs.


Ang bawat relief pack ay naglalaman ng bigas, instant noodles, kape, at mga de-lata.

Una nang namahagi ang Pagcor noong Setyembre 30, 2022, ng 4,700 relief packs sa iba’t ibang lugar na naapektuhan ng kamakailang ng hagupit ng bagyong karding sa Luzon. (Carl Angelo)


Tags: Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR)

You May Also Like