By Tony Gildo
Upang maging mas abot-kamay at angkop sa pangangailangan ng mga komunidad ang mga oportunidad nito, nilagdaan nina TESDA Secretary Kiko Benitez at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang kasunduan na magbibigay-daan sa pagbuo ng competency standards, training programs at Urban Agriculture Production National Certificate (NC II), upang makakuha ang mga Pilipino ng pambansang kinikilalang kwalipikasyon sa larangan ng urban agriculture.
Kaugnay nito, magtatatag ang TESDA at DA ng mga technology demonstration hub at palalakasin ang kakayahan ng mga trainer, assessor at partner institutions sa buong bansa.
Ipapakita sa mga pasilidad ang mga praktikal na aplikasyon ng urban agriculture na maaaring matutunan at gamitin ng mga learner sa kanilang mga tahanan, komunidad o negosyo.
Bilang bahagi ng inisyatiba, itatatag ang TESDA Complex sa Taguig bilang flagship Urban Agriculture Technology Demonstration and Training Center, na magtatampok ng mga makabago at climate-smart na teknolohiya sa pagsasaka tulad ng hydroponics, vertical farming, container gardening, composting at iba pang makabagong production systems.
Magsisilbi din ang demonstration center bilang pasilidad para sa pagkatuto at pagbabahagi ng kaalaman, kung saan magkakaroon ng hands-on na karanasan ang mga trainer, learner, miyembro ng komunidad,at partner institutions sa mga teknolohiyang angkop sa urban at peri-urban na kapaligiran.
Sa pamamagitan ng competency-based training at pambansang kinikilalang sertipikasyon, layunin ng TESDA at DA na bumuo ng mas maraming skilled at certified urban agriculture practitioners na makatutulong sa lokal na produksyon ng pagkain habang nakikinabang sa mga oportunidad sa trabaho at pagnenegosyo.














