ISANG kasapi ng teroristang komunista ang nasawi nang makasagupa ang mga tauhan ng Philippine Army-37th Infantry (Conqueror) Battalion sa Brgy Sangay, Kalamansig, Sultan Kudarat nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, pinuno ng 37IB, bandang alas- 9:30 ng umaga ay naka-engkwentro ng elemento ng conqueror troopers ang di matukoy na bilang ng mga teroristang grupo sa dalawang magkahiwalay na sagupaan na tumagal ng 20 minuto.
Tumakas kalaunan ang mga kalaban at inabandona ang nakahandusay nilang kasamahan na nakilala lang sa ‘alyas Cardo’, na napag-alamang tagasunod ni ‘alyas Brix’ ng Sub-regional Command Daguma, Far South Mindanao Region ng CPP- NPA- NDF. Nasamsam din ng kasundaluhan ang M16 Rifle at apat na mga magasin nito.
Dahil dito, inalerto na ni Brig. Gen. Michael A. Santos, Commander ng 603rd Brigade ang mga yunit malapit sa pinangyarihan ng engkwentro upang magtatag ng mga blocking force, habang patuloy ngayong tinutugis ang mga tumatakas na teroristang grupo.
“Sa ngayon bantay sarado na ng ating tropa ang mga posibleng lagusan ng mga teroristang grupo habang patuloy ang pagsasagawa ng decisive military operations laban sa kanila,” wika ni Brig. Gen. Santos.
Pinuri ni Brigadier General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang katapangan ng mga sundalo ng 37IB sa pagtatanggol sa bayan.
“Patunay lamang ito na handa ang inyung kasundaluhan na ialay ang buhay sa paglilingkod sa bayan. Gayunpaman, nagpaabot din ako ng pakikiramay sa pamilya ng nasawi sa engkwentro,” pahayag pa ng Division Commander.
“Ayaw namin na may masawi pang kapwa Pilipino dahil lang sa maling ideolohiya na kanilang ipinaglalaban. Kaya panawagan namin sa mga nanatili sa armadong pakikibaka, na ibaba ang inyong baril at magbalik-loob na sa ating pamahalaan upang maging parte ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran ng ating mga komunidad”, giit pa ni Brig. Gen. Gumiran.