Gold bar, mga alahas at cash na nagkakahalaga ng kulang-kulang sa P30 milyon ang natangay ng tinaguriang ‘Termite Gang’ nang salakayin nila ang isang pawnshop sa Brgy. Centro East, Santiago City kamakalawa .
Ayon sa ibinahaging ulat ni PCol. Saturnino Soriano ang Public Information Officer ng Santiago City Police Office, kinabukasan pagpasok ng mga empleyado ay nagulat sila nang mapuna na may malaking butas sa loob ng bahay-sanglaan bukod sa mga nagkalat na mga kahoy.
Sa takot, mabilis silang tumawag ng mga awtoridad para i-report ang pangyayari. Agad namang tumugon ang Santiago City PNP para iproseso ang crime scene at dito ay natuklasan ng may-ari na maraming alahas, gold bar at dolyar ang nawala.
Ayon sa mga imbestigador, gumamit ng ilang pamamaraan ang naturang grupo para sukatin ang eksaktong lokasyon ng pawnshop mula sa drainage canal na siyang nagsilbing access ng grupo papasok sa sanglaan.
Posible umanong pinagplanuhan itong mbuti at maaring dalawa hanggang tatlong araw ang ginawang paghuhukay para makapasok sa sahig ng lobby ng pawnshop, hanggang sa tuluyan na ring sinira ang mga nakakandadong kwarto ng pwesto kung nasaan naman nakalatag ang mga vault na pinaglalagyan ng mga nalimas na alahas at pera.
Para hindi ma-monitor ang kanilang galaw ay gumamit ng itim na pintura ang grupo para takpan ang mga CCTV camera bago pinutol at tinangay ang CPU ng CCTV.
Marahil aniya ay sinamantala ng grupo na itinatayang nasa apat na katao, ang kawalan ng guwardiya ng pawnshop para maisakatuparan ang pagnanakaw.
Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang kapulisan ukol sa pagkakakilanlan ng mga suspek.














