DALAWANG katao ang inulat na nasawi sanhi ng naging epekto ng pananalasa ng Bagyong Goring at Hanna ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kahapon.
Isang tao ang nasaktan at isa naman ang reported ‘missing’ sanhi ng nagdaang bagyo na humagupit sa Luzon at Visayan region.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Edgar Posadas, kasalukuyan pa nilang bina-validate ang mga inulat na nasawi na nagmula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Western Visayas.
Hindi kasama sa nasabing ulat ang babaeng teenager na nasawi matapos na mabagsakan ng malaking tipak ng bato ang kanilang bahay sa Dumangas, Iloilo nitong Sabado na ikinasugat din ng 10-taong gulang na kapatid nito.
Ayon sa pulisya, naghuhugas ng pinggan sa kanilang kusina ang 19-anyos na babae nang biglang bumagsak at bato at nadaganan siya, habang nasaktan naman ang kanyang 10-taong gulang na kapatid ng babae matapos matamaan ng mas maliliit na bato.
Lumitaw sa pagsisiyasat na base sa salaysay ng nasugatang menor de edad, may narinig sila na parang nahuhulog na mga maliliit na bato kaya lumabas ng bahay ang iba pa nilang kapatid pero naiwan sa loob ang kanilang ate na naghuhugas ng pinggan.
Inabot ng limang oras at kinailangan pang gumamit ng backhoe bago nakuha ang katawan ng nasawing biktima.
Samantala, sinabi pa ni Posadas nasa mahigit 418,000 indibidwal sa ibat-ibang bahagi ng bansa ang apektado dahil sa sama ng panahon.
Sa datos ng NDRRMC, nasa 114,000 pamilya mula sa 1,469 barangays ang apektado.
Nilinaw naman ni Posadas na ang mga apektadong indibidwal ay pinagsama na sa epekto ng Goring, Hanna at Habagat.
Nasa P130 million na ang tinatayang damages sa imprastraktura at nasa halos kalahating bilyon naman ang winasak sa sektor ng agrikultura.
“At least two towns, namely Pototan in Iloilo and Sibalom in Antique, declared a state of calamity,” dagdag pa ni Posadas.
“We expect po na ito’y posibleng tumaas kasi we have some more LGUs contemplating on declaring [a state of calamity],”anang opisyal.