HINDI nakapalag ang isang babaeng guro nang pumasok siya sa bitag ng Philippine Drug Enforcement Agency at nahulihan ng shabu na itinatayang nagkakahalaga ng P1 million sa ikinasang buy-bust operation nitong nakalipas na linggo sa Zamboanga, Sibugay.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, isang 59-anyos na guro at residente ng Laminusa Island sa Siasi, Sulu ang naging target ng anti-narcotics operation ng mga tauhan ni Philippine Drug Enforcement Agency-Zamboanga Peninsula (PDEA-9) Director Maharani Gadaoni-Tosoc.
“Nagulat ang suspek nang malaman niya na isang poseur-buyer ang kausap niya,” ayon kay Tosoc sa mga namamahay.
Una rito ay nagsagawa muna ng case build-up ang PDEA-9 bago inilatag ang buy-buy bust operation ng magkasanib na puwersa ng PDEA at local police bandang 7:25 p.m. sa Purok Masigla, Barangay Poblacion, Ipil, ang kabiserang bayan ng Zamboanga Sibugay.
Nasamsam sa guro ang 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000, buy-bust money at isang mobile phone. Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa PDEA detention facility sa Zamboanga Sibugay.
Samantala, isang drug den ang sinalakay at nawasak ng mga awtoridad at may tatlong drug personalities ang nadakip bandang alas-6:30 ng gabi. Biyernes sa Kapatid Drive, Barangay Sinunuc, nitong lungsod.
Nakumpiska sa tatlo ang nasa limang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000, buy-bust money at iba pang illegal drug paraphernalia.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II of Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na pansamantalang naka-detine sa PDEA Detention Facilities.