NILINAW ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na ligtas pa rin kainin ang mga isda mula sa Taal Lake gaya ng tawilis at tilapia.
Ito ay sa gitna ng panawagan sa gobyerno ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero na simulan na ang diving operations sa Taal Lake kung saan sinasabing itinapon ang bangkay ng mga sabungero.
Magugunitang isiniwalat ng isang whistleblower ang kaugnay sa mga nawawalang sabungero na itinapon ‘di umano ang kanilang mga bangkay sa nasabing lawa.
Ayon kay BFAR Chief Information Officer Nazario Briguera, walang dapat ipangamba ang publiko sa pagkain at pagbili ng tawilis dahil ito ay isang small pelagic fish at ang tanging kinakain nito ay mga planktons o ‘yung maliliit na organismo na matatagpuan sa tubig.
Nitong mga nakalipas na araw ay napabalitang apektado na umano ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Taal Lake na isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tilapia at bangus sa Metro Manila at CALABARZON dahil sa paghina ng bentahan ng mga isda mula sa lawa, bunsod ng balita hinggil sa mga nawawalang sabungero.














