Sugatan ang tatlong tricycle driver nang manghalihaw ng saksak ang isang helper na lumapit sa kanila habang nag-iinuman sila, kamakalawa ng gabi sa Tuazon corner Masinop Streets ,Barangay 42, Tondo Maynila.
Isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC), ang mga biktimang sina Ruel Tulibas, 28, ; Melvin Bitas, 33 at Gerald Vacunawa, 35, kapwa mga tricycle driver at taga 1247 Masinop Street. Tondo.
Isinugod naman sa Tondo Medical Center ang suspek na si Jaworski Sermania,35, helper at nakatira rin sa 1247 Masinop Street. Tondo Maynila, matapos kuyugin ng mga by-stander nang maaresto ng mga barangay tanod.
Sa imbestigasyon ng Asuncion Police Community Precinct, naganap umano ang insidente alas- 9:45 ng gabi sa harap ng bahay ng mga biktima at suspek.
Napag-alaman na nag-iinuman umano ang mga biktima sa lugar nang dumating ang suspek at kinumpronta ang tatlo sa hindi pa malamang dahilan.
Nagkaroon ng mainitang sagutan ang mga biktima at suspek hanggang bumunot ng balisong ang suspek at kaagad na sinaksak sa likurang bahagi ng ulo si Tulibas.
Tinangka nina Bitas at Vacunawa na agawin ang balisong sa suspek pero kapwa sila nagawang masaksak kaya sabay-sabay na tumakbo ang mga biktima pero hinabol pa rin sila ng suspek.
Nakita umano ng mga nagpapatrulyang barangay tanod ang komosyon at kaagad nilang inaresto ang suspek pero kinuyog naman ito ng mga bystander.













