Dahil sa pagbebenta ng shabu sa Maynila, dinakip ng mga operatiba ng Manila Police District -Police Station 9 ang tatlong residente ng Pasay City sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa Mabini Street, Malate, Maynila.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng MPD-PS9,ang mga suspek na sina Ricardo Sausa,alyas Bong,46, miyembro ng “Batang City Jail Gang” at residente ng 704 Apelo Cruz St., Brgy. 157, Pasay City; Richie Batista, 46,ng 106 Facundo St., Brgy. 122, Pasay City at Andrea Torres, 40, ng No. 2639 Gamban St., Brgy. Cabrera, Pasay City.
Ang mga suspek ay naaresto alas-4:35 ng madaling araw sa nabanggit na lugar matapos na magpanggap na buyer ang isang pulis-Maynila.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang may 82 gramo ng shabu na may itinatayang street value na P557,600 bukod sa P1,000 marked money.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila Prosecutor’s Office.














