BANGKAY na nang ma-recover ng mga awtoridad ang tatlong kagawad ng pambansang puli, matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka nang salubungin sila ng malakas na agos ng tubig sa Apayao River bunsod ng malakas na buhos ng ulan nitong nakalipas na linggo, sa lalawigan ng Apayao.
Kinilala ang mga biktimang sina Police Patrolman John L. Togay-an, Jr. ng Buguias, Benguet; Police Patrolman Resty Bayog ng Barangay Nambaran, Tabuk City, Kalinga at Patrolman Halteric Pallat, ng Kabugao, Apayao. Lahat sila ay nakatalaga sa 2nd Apayao Police Mobile Force Company na naka-base sa Conner, Apayao.
Nakaligtas naman umano sa pagkalunod ang tatlo nilang kasamahan na sina Police Chief Master Sgt. Bernabe Dalingay Patang Jr. ng 2nd Apayao PMFC, kasamahan na sina Police Patrolmen Derick Paul Unni Diza at Claybert Edel Dangao at Police Staff Sgt. Felimon Daggay Ballouan ng Calanasan police station, gayundin ang bangkero na si Gilbert Parao.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng Calanasan Municipal Police Station na nasa isang law enforcement operation ang grupo ng mga pulis at target ng kanilang manhunt operation ang isang Orland Bidoc, magsasaka ng Barangay Langnao, Calanasan, na umano’y sangkot sa naganap na barilan nitong nakalipas na Miyerkules ng gabi.
Sumakay ng bangka ang pitong pulis na pinangunahan ni Patang, Jr.at habang patawid ang mga ito sa Apayao River ay bigla na lamang tumaob ang mga ito at tuluyang nilamon ilog ang tatlong nasawing pulis.
Sa isinagawang search and retrieval operations ng pulisya, natagpuan ang bangkay ni Togay-an noong Linggo ng umaga sa Apayao River, Flora, Apayao, habang sina Bayog at Pallat ay narekober noong Biyernes ng hapon sa Kabugao.
Nagpaabot naman ng pakikidalamhati ang pamunuan ng PNP sa pamilya ng mga nasawi ‘in line of duty’.