Nagbabala si Office for Transportation Security (OTS) Administrator USec Gilbert Cruz sa kanyang mga tauhan na walang lugar ang anumang kalokohan sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ang deklarasyon ay ginawa ni Cruz matapos niyang iutos ang pagsibak sa tatlong OTS personnel na inakusahang sangkot sa kaso ng turistang Australian tourist na nawalan umano ng P7,000.
Ang mga ni-relieve ay dalawang screeners at kanilang supervisor na pansamantalang di pinangalanan habang patuloy silang isinasailalim sa imbestigasyon.
Sa atas ni Cruz ay inisyu ni Transport Security Risk Management Service Director Nicolas Quemado, Jr. ang ‘order of relief’ ng mga nasabing personnel.
Ang naturang mga tauhan ay inalis ‘in the exigency of the service’, mula sa NAIA Terminal 3 at inilipat sa SSOS head office.
Ayon kay Cruz, ang mga nasabing personnel ay iniimbestigahan para sa posibleng paghaharap ng mga kasong criminal at administratibo laban sa kanila, kung sasapat ang ebidensiya.














