TATLONG indibidwal na sangkot sa pambubugaw diumano ng mga menor de edad sa online ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 13 sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni NBI Director Jimmy Santiago ang mga suspek na sina Anne Monalisa Sigua Co alyas Monalisa; Raven Paul Dayrit Sanche alyas Raven; at isang alyas Pearl.
Ayon kay Santiago, nakatanggap ng impormasyon ang NBI-NCR kaugnay sa sex trafficking activities ng mga.menor de edad na nasa 13 hanggang 17 anyos sa Metro Manila.
Isang Jasmin umano ang nagsisilbing facilitator at nag-aalok ng sexual na serbisyo ng mga menor de edad sa pamamagitan ng media application tulad ng Messenger, Viber, at Telegram sa halagang P8,000-15,000.
Nagsagawa ng Surveillance ang NBI-NCR at nang makumpirma ang impormasyon ay ikinasa ng NBI ang entrapment operation sa isang resort sa Barangay 171, Tondo noong Nobyembre 13, 2024, kung saan si Anne Monalisa ang nagpa-reserve ng party at nagdala ng 23 kababaihan para sa poseur-customer, kung saan 11 ang menor de edad.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA No. 9208 as amended by RA No. 10364 (Expanded Trafficking in Persons Act of 2012), RA No. 7610 (The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act), at RA No. 11930 (Anti- Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act),ang mga suspek sa Manila Prosecutors Office.














