Tatlong kasapi ng rebeldeng grupong New People’s Army ang napatay sa naganap na sagupaan nang masabat sila ng military sa Sitio Maligas, Barangay Acle, at Barangay Bolbok, sa bayan ng Tuy sa lalawigan ng Batangas.
Ayon sa Army 2nd Infantry Division, dalawang beses na nakasagupa ng communist terrorist group ang mga tauhan ng 59th Infantry Battalion ng Army bandang alas-6:30 ng umaga.
Unang nasabat ng nagpapatrolyang mga tauhan ng 59th Infantry (PROTECTOR) Battalion ang siyam na armadong miyembro ng teroristang NPA sa nagsangang ilog sa Sitio Maligas, Barangay Bolbok, Tuy, na agad na nauwi sa engkwentro.
Matapos ang unang bugso ng putukan sa Barangay Acle dakong alas-6 ng umaga, dalawang NPA, kabilang ang isang babae at isang lalaki, ang natagpuang walang buhay sa encounter site.
Na-recover din sa lugar ang tatlong baril na kinabibilangan ng isnag R4, UZI machine pistol at M16 rifle.
Nagpatuloy ang hot pursuit operation ng militar nang muling magpang-abot ang magkabilang panig dakong alas-8:40 ng umaga sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Bolbok, Tuy, hanggang sa tuluyang umatras ang mga rebelde.
Sa clearing operation, isang bangkay ng lalaking rebelde ang natagpuan sa ikalawang encounter site.
Itinataya namang nasa 145 residente ang naapektuhan ng engkwentro sa mga barangay ng Taludtod at Dao sa bayan ng Tuy, na lumikas sa evacuation centers.
Nagpahatid naman ng pakikiramay si 2ID Commander Maj. Gen. Roberto Capulong sa mga pamilya ng mga nasawing rebelde , kasabay ng paliwanag na hindi nila ikinagagalak na may napaslang silang kapwa Filipino at tumutupad lamang umano ang mga sundalo sa kanilang sinumpaang tungkulin na pangalagaan ang sambayanan at tiyakin ang mapayapang pamayanan.
Nanawagan din si LtGen. Capulong sa mga nalalabing miyembro ng CPP-NPA na magsuko na ng sandata, talikuran ang maling ipinaglalaban at samantalahin ang alok na pagbabagong-buhay ng pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).