Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 4 ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang babae, matapos makitaan ng dalawang gramo ng shabu, habang naglalaro ng cara y cruz sa Lacson Avenue Alley 3 sa Brgy. 429, Zone 44 Sampaloc, Maynila.
Ayon sa pulisya, nakuha sa suspek na si Ryan Oliver Olivares y Villarin ,alyas Oliver Oliver,41, kilalang user at nagbebenta ng shabu at residente ng No. 610 A.H Lacson Ave, Brgy. 429, Zone 44, Sampaloc, Maynila, ang dalawang gramo ng shabu na may streetvalue na P13,000.
Arestado rin ang kanyang mga kasamang nagsusugal na sina Justine Descalzo y Vidallo,18, ng No. 728 Ma. Cristina St., Brgy. 455, Zone 45 Sampaloc, Maynila at Rowie Nicole Tuazon y Alimagno,22, ng No. 554 Prudencio St., Brgy. 443, Zone 44, Sampaloc, Maynila.
Nagsasagawa umano ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng MPD-PS 4 nang mamataan ang tatlong suspek na nagsusugal dakong alas- 10:30 ng gabi sa nabanggit na lugar.
Nang kapkapan ay nakuha sa bulsa ni Olivares ang nasabing shabu.
Samantala, ang suspek ay sinampahan sa Manila Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa Article II of RA 9165 na kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa PD 1602.














