Latest News

Tatlong matataas na lider ng komunistang terorista, nagbalik-loob

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Tiwala sa pamahalaan at pangarap na magbagong buhay ang tumulak sa tatlong matataas na lider ng komunistang terorista na lisanin na ang armadong pakikibaka.

Ito ang inihayag nina alias Abel, alias Jumper at alias Teks matapos na iharap nila ang kanilang sarili kay Lt. Col. John Paul Baldomar, ang pinuno ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion sa Brgy Tibpuan, Lebak, Sultan Kudarat, nitong Biyernes (April 28, 2023).

Sa pagsisiyasat, nabatid ni Lt. Col. Baldomar na ang tatlo ay humahawak ng mataas na posisyon sa Far South Mindanao Region, ang patuloy na humihinang command ng teroristang grupo.


Si Alias Abel ay isang Political Instructor, habang ang dalawa ay parehong vice commanding officer ng platoon Timlas at Beijing.

Dinala din nila ang kanilang bitbit na gamit sa pakikipagdigma na isang 7.62mm M14 Rifle; isang 5.56mm M4 Carbine (KH-416) at isang Cal .45 Pistol (COLT MK-IV).

Kasabay naman ng pagdiriwang ng ika-47 anibersaryo ng 37IB ngayong araw (April 29, 2023), iprenisinta ang tatlong mga dating rebelde kay Major General Alex Rillera, ang Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central; kay Brigadier General Michael Santos, ang Commander ng 603rd Brigade; at kay Hon. Joaquin T. Concha, ang alkalde ng bayan ng Kalamansig.

“Ang LGU ng Kalamansig at karatig na lugar ay nagtutulungan para lahat ng problema sa peace and order ay maisaayos, hindi lamang sa makakaliwang grupo pero sa lahat ng aspeto”, wika ni Mayor Concha.


Sa kanyang mensahe, binigyan diin naman ni Maj. Gen. Rillera ang pagpapanatili ng kapayapaan at katahimikan dahil kaakibat nito ang kaunlaran. “Dapat ma-sustain natin ang efforts natin para ‘di na bumalik pa sa armadong pakikibaka itong mga kapatid nating lumihis ng landas. Nagpapasalamat tayo kay Mayor Concha dahil sa patuloy na pagtulong lalo na sa pinansiyal na pangangailangan nila upang makapagsimula sila ng kanilang pagbabagong buhay at sa mga proyektong pangkaunlaran upang matugunan ang mga isyung ginagamit ng teroristang grupo upang manlinlang ng mga bagong kasapi.”

Sa pamamagitan ng LGU Kalamansig at DSWD ay nabigyan ng food package at financial assistance ang tatlong mga nagbalik-loob na biktima ng maling ideolohiya ng komunistang terorista.

Tags:

You May Also Like

Most Read